Ngayon nyo sabihing matatag ako. Na pasasaan ba't mapagtatagumpayan ko rin ang laban na ito. Ngayon nyo sabihing may naghihintay sa aking magandang bukas, na ang nararamdaman kong sakit ay panandalian lamang. Pakiusap, ngayon na, habang nakakaramdam pa ako at hindi pa tuluyang minamanhid ng mga pasakit na ito.
Tinanggap ko ang bawat hagupit ng tadhana, gano man ito kasakit, gano man nito tinutunaw ang buo kong pagkatao. Heto at patuloy na akong nanghihina, kung hanggang saan ko pa kakayanin, hindi ko na alam.
Buksan nyo ang puso ko't makikita nyo ang isang nagpupumiglas na katauhan, patuloy na nilalabanan ang bawat paghamon at patuloy din namang nilalamon ng kaliwa't kanang mga pagsubok.
Sabi nila, kailangan ito sa pagpapalalim ng sarili, makakatulong sa pagpapatibay ng aking kabuuan. Pero di na lamang ako pinapaso ng mga pangyayaring ito bagkus sinusunog na nito ang minsang binuo kong mga pangarap. Binubuwag na nito ang mga bagay na maingat kong binuo para sa sarili ko..
# posted by joSlyn @ 1:38 PM
0 Comments:
Post a Comment
<< Home